LPA sa kanluran ng Pangasinan, naging Tropical Depression Ferdie na

Lumakas at naging ganap na bagyo na ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa kanlurang bahagi ng Pangasinan.

Ang Tropical Depression Ferdie ay huling namataan 225 kilometers Hilagang Kanluran ng Dagupan City, Pangasinan o 180 kilometers Kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (km/h) at pagbugsong nasa 70 km/h.


Kumikilos ang bagyo pahilaga Hilagang Silangan sa bilis na 20 km/h.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa sumusunod:

–              Kanlurang Bahagi ng Ilocos Norte

–              Kanlurang Bahagi ng Ilocos Sur

–              La Union

–              Kanlurang Bahagi ng Pangasinan

–              Hilagang Bahagi ng Zambales

Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio, inaasahan ding lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga at inaasahang magla-landfall sa Fujian Province sa China.

Palalakasin ng bagyo ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat na magpapaulan sa Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, at panaka-nakang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA at natitirang bahagi bng Cordillera at Central Luzon.

Delikadong maglayag sa mga lugar na nasa ilalim ng Warning Signals dahil aabot ng halos limang metro ang taas ng alon.

Nakataas din ang Gale Warning sa mga baybayin ng Zambales, Bataan, kanlurang baybayin ng Batangas, kanlurang baybayin ng Occidental Mindoro, kabilang ang Lubang Island at Kanlurang bahagi ng Palawan kabilang ang Calamian Islands.

Facebook Comments