Dahil magbabalik na ulit sa mas maluwag na community quarantine bukas ang Metro Manila, balik operasyon na rin ang Light Rail Transit 1 (LRT-1) o ang linya mula Roosevelt Station sa Quezon City hanggang Baclaran.
Ayon kay Light Rail Management Corporation o LRMC Corporate Communications Head Jacqueline Gorospe, alas-4:30 ng umaga pa rin ang unang biyahe ng kanilang mga tren.
At bilang pagsunod sa health protocols ng Inter-Agency task Force (IATF), mananatiling limitado pa rin sa 10% – 12% lamang ng mga pasahero ang papayagang makasakay sa mga tren ng LRT-1.
Muli ring ipinaalala ng LRMC na mahigpit nilang ipatutupad ang mga inilatag na guidelines ng IATF para sa mas ligtas na biyahe.
Kabilang na ang pagkuha ng body temperature sa mga pasahero at ang pagdaan sa foot bath sa pagpasok sa mga istasyon ng LRT.
Ayon kay Gorospe, bukod sa mandatory na pagsusuot ng face mask at face shield, hindi pa rin muna papayagan ang pag-uusap ng mga pasahero sa loob ng tren para maiwasan ang pagkalat ng respiratory droplets.
Hinihikayat din ng LRMC ang mga pasahero na gumamit ng stored value card para sa contactless payment.