Inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na magbabawas sila ng mahigit 100 mga empleyado bunga ng pagkalugi dahil sa epekto ng COVID-19.
Tiniyak naman ng LRMC na kinonsulta nila sa nasabing desisyon ang LRMC Employees Union at mahigpit itong pinag-aralan ng kanilang Senior Management Committee.
Tiniyak din ng tanggapan na susundin nila ang mga panuntunan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Partikular ang pagbibigay ng kaukukang kompensasyon sa mga maapektuhang empleyado tulad ng mga benepisyo sa ilalim ng Collective Bargaining Agreement (CBA).
Nakikipag-ugnayan din ang LRMC sa Xcelarator Talent Solutions para matulungan ang mga kawaning mawawalan ng trabaho na magkaroon sila ng pangkabuhayan at maturuan sa tamang pagnenegosyo.
Kasama rin dito ang pagdadaos ng webinars at online consultations para matiyak na maayos ang mental health ng mga apektadong manggagawa.