Aminado ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT Line2) sa araw-araw na malaki ang pagkalugi ng ahensiya.
Ayon kay LRTA Administrator Hernando Cabrera, sa ngayon ay nasa 150,000 na lamang ang arawang sumasakay ng LRT.
Paliwanag pa ni Cabrera, malayo aniya sa 180,000 hanggang 200,000 na daily average na sumasakay bago ang pandemya.
Dagdag pa ng opisyal na kahit pagsamahin pa ang kita mula sa pamasahe at non rail revenue ay malaki pa rin ang pagkalugi ng LRT2.
Kabilang sa nakikitang dahilan ni Cabrera ang pagpapatupad ng online classes kaya’t bumaba ang bilang ng mga sumasakay na mga estudyanteng pasahero.
Giit pa ni Cabrera na hindi na talaga maiwasan ang paghirit nila ng pagtaas sa pamasahe na diringgin sa isang public consultation sa darating na Febuary 17 ngayon taon.
Matatandaan na January 2015 pa ng huling magtaas ng pamasahe ang LRT-2 na may minimum na P11.