LTFRB Cauayan, Wala pang Natatanggap na Abiso kaugnay sa Fuel Subsidy ng mga Traysikel Drivers

Cauayan City, Isabela- Wala pang natatanggap na impormasyon at abiso ang LTFRB Cauayan mula sa Central Office at DILG Cauayan hinggil sa fuel subsidy na laan para sa mga traysikel drivers dito sa Lungsod ng Cauayan.

Ito ang kinumpirma ni Ms. Vanessa Maramag, Administrative Aide 6 ng LTFRB Region 2 sa ating naging panayam sa kanya na kung saan nilinaw nito na wala pang nakakarating na datos, impormasyon at mga papeles sa kanila mula sa tanggapan ng DILG Cauayan.

Kasunod na rin ito sa panawagan ng mga namamasada ng traysikel sa Lungsod na ibigay na ang ipinangakong fuel subsidy na tulong ng pamahalaan para sa kanila.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cuayan mula sa DILG Cauayan, naisumite na raw nila sa LTFRB office sa Lungsod ng Cauayan ang listahan ng mga tsuper na makakatanggap ng subsidiya.

Pero, ayon kay Ms. Maramag, iginiit nito na wala pa silang natatanggap na datos o dokumento mula sa DILG Cauayan.

Kaugnay nito, discretion o desisyon na umano ng LGU Cauayan at DILG ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga traysikel drivers dahil tanging ang mga PUV at jeepney drivers and operators na lamang ang sakop ng LTFRB.

Gayunman, bukas pa rin aniya ang kanilang tanggapan na makipagtulungan sa DILG at LGU Cauayan para sa pamimigay na ayuda.

Samantala, pinapayuhan naman ang lahat ng mga jeepney drivers and operators sa rehiyon na bisitahin at tignan ang kanilang Facebook Page na LTFRB Region 2 para makita ang pangalan kung nakasama sa listahan ng mga makakatanggap ng fuel subsidy.

Kinakailangan lang aniya na dalhin ang mga requirements para sa pag-claim ng fuel subsidy tulad ng Landbank form, valid ID, OR/CR at proof of franchise.

Nasa mahigit 4,000 na jeepney drivers and operators ang mabibigyan ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P6,500 kung saan hindi pa umano nakakalahati ang bilang ng mga nabigyan ng nasabing ayuda.

Nananawagan naman ito sa mga nakakapag online na tulungan sila sa information dissemination para malaman din ng mga benepisyaryo na jeepney drivers and operators na walang social media account o facebook na makuha ang kanilang fuel subsidy.

Facebook Comments