Nakatakdang maglunsad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bukas ang inisyal na pagpapatupad ng service contracting scheme para sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng programa, magbibigay ang gobyerno ng payout sa public transportation services kung saan ang mga operator at drivers ay bibigyan ng performance-based subsidy.
Ayon kay LTFRB National Capital Region Director Zona Tamayo, ang programa ay ilulunsad sa tatlong ruta para sa passenger buses, maging sa modern at traditional jeepneys.
Makakatulong din aniya ang programa para itaas ang pamantayan ng serbisyo, reliability, at efficiency ng public transport system sa bansa.
Ang programa ay unang ipapatupad sa Metro Manila at isusunod ang iba pang rehiyon sa mga susunod na linggo.
Una nang sinabi ng LTFRB na nasa 60,000 PUV drivers ang inaasahang makikinabang sa programa kung saan maaari silang pumasok sa isang transport service contracts sa gobyerno para mabawasan ang epekto ng pandemya sa sektor ng transportasyon.
Ang programa ay nakalinya sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 kung saan nasa ₱5.58 billion ang nakalaang pondo para sa implementasyon nito.