Maaari nang magparehistro simula ngayong araw ang mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) na naapektuhan ng pandemya sa service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa LTFRB, magkakaroon ng general registration at orientation activity para sa mga kwalipikadong drivers na nais sumali sa bagong subsidy program sa Quezon City Memorial Circle covered court mula November 25 hanggang 29 mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang mga interesadong aplikante ay kailangang magdala ng mga requirements tulad ng original at photocopy ng kanilang professional driver’s license, certification na pinirmahan ng operator na nagkukumpirmang sila ay authorized driver, dalawang photocopies ng kanilang valid ID na may tatlong pirma, at photocopy ng OR/CR ng unit.
Nagpaalala rin ang LTFRB sa mga aplikante ng magdala ng sariling ballpen at magsuot ng face mask at face shield.
Hinihikayat din ng ahensya ang mga aplikante na mag-preregister online sa tinyurl.com/ServiceContracting o mag-walk-in sa LTFRB Central Office sa Quezon City.