Manila, Philippines – Nakahanap ng kakampi ang LTFRB sa Kamara matapos ang pambabatikos sa ahensya dahil sa suspensyon na ipinataw sa Uber.
Ayon kay House Transportation Vice Chairman Gavini Pancho, ang suspensyon sa Uber ay hindi nangangahulugan ng parusa kundi pagbibigay pagkakataon sa Uber na ayusin at gawing ligal ang operasyon nito.
Bagamat kailangang tanggapin ang pagbabago sa teknolohiya at transportasyon sa bansa, iginiit ng kongresista na wala din namang mali dito pero mahalaga na ma-secure ang permit gaya sa Uber para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Paalala ni Pancho sa mga TNCs sa bansa na maging responsable at sumunod sa patakaran ng LTFRB.
Pinamamadali naman ni Metro Manila Development Chairman Winston Castelo ang UBER na ayusin ang dapat na ayusin sa permit para hindi mahirapan ng matagal ang mga tumatangkilik na commuters nito.
Sa huli ay hindi aniya talaga mababalewala ang authority at kapangyarihan ng LTFRB kaya dapat na sumunod dito.