LTFRB, magpapakalat ng ‘mystery riders’ matapos silbihan ng show-cause order ang JoyRide dahil sa umano’y sobrang singil sa pamasahe

Magpapakalat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga ‘mystery riders’ matapos silbihan ng show-cause order ang JoyRide dahil sa umano’y sobrang singil sa pamasahe.

Batay sa reklamo na nakarating sa LTFRB, siningil umano ang pasahero ng ₱1,000 para sa one-way ride dahil sa ‘Priority Boarding Fee.’

Ayon sa LTFRB, sa ilalim ng Board under Memorandum Circular No. 2019-036, ang pinapayagang pamasahe ay ang mga sumusunod:


Para sa Sedan-type TNVS, ang ₱40.00 ang flag down rate at karagdagang ₱15.00 fare per kilometer at ₱2.00 per minute travel fare.

Para sa Premium AUV/SUV, ang flag down rate ay ₱50.00 at karagdagang ₱18.00 per kilometer fare at ₱2.00 per minute travel.

Para sa Hatchback o Sub-compact type TNVS, ₱30.00 ang flag down rate at karagdagang ₱13 per kilometer fare rate at ₱2.00 per minute travel fare.

Bunsod nito, magpapakalat ng ‘mystery riders’ ang LTFRB upang matingnan kung sumusunod ba ang mga Transport Network Companies (TNC) at Transport Network Vehicle Service (TNVS) operators sa fare structure.

Pinadalhan na rin ng show-cause order ang iba pang TNVS operators para bigyang babala na papatawan sila ng multa kung mapapatunayang lumabag sa mga alituntunin.

Hinimok din ng LTFRB ang mga pasahero na gumagamit ng TNVS na i-report ang mga iregularidad ng mga ride-hailing services.

Facebook Comments