Manila, Philippines – Nanindigan ang LTFRB na huhulihin ang mga Uber driver na papasada sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ginawa ang pahayag matapos magdesisyon sa kanilang sarili ang kumpanyang Uber na balik na sila muli sa kanilang operasyon at magsasakay na muli ng mga pasahero matapos silang maghain ng Motion for Reconsideration.
Gayunman, ayon kay LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, kahit may natanggap na silang M.R., nanatili pa ring suspindo ang operasyon ng Uber.
Ibig sabihin sa mga oras na ito bawal pa rin pumasada ang mga Uber driver.
Dahil dito on site na ang nasa 200 tauhan ng pinagsanib na pwersa ng LTFRB, MMDA, HPG at LTO para hulihan ang mga magtatangkang pumasada.
Sa ngayon activated na muli ang mobile application ng nasabing kumpanya at talagang pinandigan ang statement na ipinost sa kanilang official page na sila ay muling magsasakay ng pasahero.
Samantala, kung magmamatigas ang Uber sa kanilang sariling desisyon, sinabi ni Atty. Lizada, isi-site in contempt na nila ang mga opisyal ng Uber dahil sa hindi pagsunod sa suspension order na ipinalabas ng LTFRB.