Thursday, February 19, 2026

LTFRB, nagpalabas ng SCO sa mga terminal sa dalawang sikat na mall sa Quezon City

Inisyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order (SCO) ang mga operator at manager ng public utility vehicle (PUV) terminals sa dalawang sikat na mall sa lungsod ng Quezon.

Matapos na makitaan ng kakulangan ng pasilidad para sa mga pasahero.

Batay sa inspeksyon na isinagawa ng LTFRB, lumalabas na ang mga terminal ay hindi sumunod sa itinakdang rules and regulations ng ahensya.

Tumambad sa mga awtoridad sa isang PUV terminal sa Ayala Mall Cloverleaf Balintawak ang kakulangan ng roofing para sa mga pasahero, hindi sapat na upuan, at walang malinaw na patakaran pagdating sa pagbababa at pagbabiyahe, at kawalan ng information and passenger assistance counter.

Bukod pa rito, iniutos din ng LTFRB ang operator na kumuha ng kinakailangang permit para makapag-operate bilang transport public terminal at magkaroon rin ng security plan.

Bukod sa Ayala Mall, nakitaan din ang isang terminal sa Trinoma Mall ng pagkukulang sa pasilidad gaya ng kulang na komportableng upuan para sa mga pasahero, priority lanes para sa mga senior citizens, person with disability (PWD), at buntis, at kawalan ng information assistance desk.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ng LTFRB ang mga terminal managers kung bakit hindi dapat ipasara ang kanilang terminal dahil sa mga ilang paglabag ng mga ito.

Iginiit ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II na ang kanilang inisyatibo ay isang nationwide operation at tinatawag na new normal para sa paglaban ng karapatan at kapakanan ng mga komyuter.

Facebook Comments