LTFRB, nakapagbigay na ng cash subsidy sa mahigit 75,000 mga PUV operators na apektado ng pandemya

Photo Courtesy: Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB Facebook Page

Mahigit 75,000 Public Utility Vehicle (PUV) operators na may 135 libong unit’s ng sasakyan ang nabigyan na ng ayuda ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Direct Cash Subsidy Program.

Abot na sa ₱878.9 milyon o 86.58 % ng kabuuang pondo na nakalaan sa programa ang naibigay na sa mga benepisyaryo.

Sa ilalim ng Direct Cash Subsidy bawat operator ay nakatatanggap ng ₱6,500 na subsidiya para sa bawat unit na nasa ilalim ng kanilang prangkisa.


Ayon sa LTFRB, target na mabigyan ng tulong pinansiyal ang 178 libong PUV units sa buong bansa.

Ang cash subsidy ay ibinibigay sa ilalim ng Bayanihan 2 na hangad makatulong sa mga operators na hirap kumita dahil sa safety protocols na ipinatutupad upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon.

Facebook Comments