Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang transport group na maghain ng pormal na petisyon, sa halip na sulat lamang, hinggil sa kanilang hiling na itaas ang pamasahe para sa mga pampublikong jeepney.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, bukas ang tanggapan ng LTRFRB sa mga hiling ng transport group sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Pero kailangang idaan ang kanilang kahilingan sa tama at mas angkop na proseso alinsunod sa Public Service Act.
Kailangan nilang maghain ng pormal na petisyon sa loob ng limang araw.
Gayunman, kinakailangan pa ring balansehin ng LTFRB ang epekto nito para sa mga komyuter.
Malugod ding tatanggapin ng LTFRB ang komento at suhestyon mula sa panig ng mga komyuter sakaling maihain ang petisyon ng mga nasabing transport group.
Una nang nagpadala ng sulat sa LTFRB ang mga transport group na Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), PISTON, FEJODAP at Stop & Go Transport Coalition Incorporated upang hilingin ang ₱2.00 dagdag pasahe sa mga pampublikong jeepney.