LTFRB, tatalima sa kautusan ni Pangulong Duterte na ipamahagi nang libre ang Beep Cards

Susunod ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipamahagi ng libre ang Beep Cards sa mga pasahero.

Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, nakatakda silang maglabas ng memorandum circular hinggil dito na inaasahang ilalabas ngayong linggo.

“Yung guideline ay ginagawa na ngayon and definitely ang isa sa mga nakalagay ay gawing free ang mga cards na gagamitin para sa mga pasahero alinsunod sa directive ng Pangulo,” sabi ni Bolano.


Sinabi rin ni Bolano na nakikipagpulong na rin sila sa iba’t ibang automatic fare collection service (AFCS) providers para talakayin ang libreng pamamahagi ng cards at ang posibilidad na magkaroon ng isang iisang card na gagamitin para sa iba’t ibang sistema ng transportasyon.

Samantala, sinabi naman ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na ang cashless transactions sa pampublikong transportasyon ay kailangang integrated at interoperable.

“Ang sabi ni Secretary Tugade, there should be no monopoly and we need to open the AFCS to all providers but they should be able to integrate and operate the system for free,” ani Libiran.

Paliwanag ni Libiran na plano ng DOTr na tumanggap ng multiple service providers pero ang kanilang sistema ay dapat handa para sa integration, kung saan magkakaroon lamang ng isang clearinghouse para matiyak na walang kumpanya ang nagkokontrol sa automated fare system.

Facebook Comments