Aminado ang Land Transportation Office (LTO) na hindi pa maipatutupad ang batas na nagtatakda sa mga motorsiklo na magkaroon ng dalawang plaka, isa sa harap at isa sa likod.
Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong 2019 ang Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act na layong matugunan ang tumataas na bilang ng krimen na kinasasangkutan ng mga kriminal gamit ang motorsiklo.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni LTO Operations Division OIC Mercy Jane Paras-Leynes, wala pa silang maibibigay na mga plaka para maipatupad ang batas.
Pero sinabi ni Leynes na nagsisimula na silang gumawa ng mga plaka at ang target delivery ay sa susunod na buwan.
Nakasaad din sa batas na dapat mas malaki ang mga motorcycle plates para kaya itong mabasa hanggang 15 metro.