Umapela ang Land Transportation Office (LTO) sa IT provider na Dermalog na bigyan sila ng datos sa alegasyon ng pananabotahe na nagresulta ng pagbagal ng mga system ng LTO sa lahat ng operation centers nito.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LTO Director Francis Ray Almora na makakatulong ang kanilang mga hawak na dokumento para maresolba ang isyu.
Pinasisinungalingan din ng LTO ang pahayag ng Dermalog na nagsabing galing umano sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang impormasyon na hindi sa kanilang system ang nagkaroon ng traffic congestion ng mga information kundi ang isang computer sa loob ng LTO.
Ayon kay Almora, hindi pa nagsasagawa ng imbestigasyon ang DICT sa kanilang system kung kaya’t wala pang klarong dahilan sa pagbagal ng kanilang sistema.
Aniya, komplikado at maraming factors ang kanilang sinisilip sa pagbagal ng information system ng tanggapan.
Giit ni Almora, sa halip na manisi, dapat na makipagtulungan sa kanila ang Dermalog para magkatuwang na solusyonan ang problema.