Nilinaw ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na hindi sa dating pulis na si Wilfredo “Willie” Gonzales ang kulay pulang sedan na sangkot sa insidente ng road rage sa isang siklista sa Quezon City.
Batay sa ulat na isinumite sa kaniyang tanggapan ni LTO – National Capital Region Director Roque Verzosa, sinabi ni Mendoza na ang rehistradong may-ari ng KIA Rio na may plakang ULQ 802 ay iisyuhan ng Show Cause Order at nakatakdang ipatawag sa LTO sa Agosto 31.
Ang kaparehong ulat ay naisumite na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ipinaliwanag ni Mendoza na may dalawang nakikitang paglabag ang driver.
Kabilang dito nag Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code
Partikular ang Section 20 o (Improper Person to Operate a Vehicle) at Section 48 (Reckless Driving).
Aniya, ang rehistradong may-ari ng sasakyan ay inatasan na magsumite ng notarized affidavit na nagpapaliwanag kung bakit hindi dapat magpataw ng sanction kaugnay ng insidente.
Sa sandaling mabigong makatugon ang driver, magdesisyon na ang LTO batay sa mga magagamit na ebidensya.