Ipinag-utos na ng Land Transportation Office (LTO) ang koordinasyon sa Facebook Philippines para mai-take down ang mga account na nag-ooffer ng online assistance para makakuha ng driver’s license at vehicle registration.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinaalam na niya ito sa lahat ng regional directors at district heads para ma-monitor ang social media platforms ng mga grupo o indibidwal.
‘Palakad’ umano ang ginagamit na term ng mga ito sa mga kliyente na kukuha ng lisensya.
Aniya, may mangilan-ngilan pa na patuloy sa pambubudol ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng social media at ito ang kanilang tinututukan.
Samantala, humiling naman ang ahensya sa publiko na isumbong ang ganitong uri ng scheme para di na mabiktima ng mga online scams.