Mas hinigpitan pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang proseso sa pagkuha at pag-renew ng lisensya.
Bunsod ito ng dumaraming aksidente sa kalsada dulot ng mga driver na walang disiplina.
Sa pagkuha ng lisensya, mayroon nang orientation at computerized examination na pagdaraanan ng mga aplikante, kumpara sa dati na medical at birth certificate lamang.
Ayon kay LTO Executive Director, Atty. Romeo Vera Cruz, layunin nito na matiyak na mga matitinong driver lamang ang mapagkakalooban ng lisensya.
Para hindi madaya at mabiktima ng mga fixer, magiging computerized ang examination.
Ang mga magiging tanong sa mga aplikante ay depende sa kung anong sasakyan ang kanilang minamaneho.
Inaasahan ng lto na sa susunod na taon ay magkakaroon din ng Automated Exam Venue sa mga mall at iba pang lugar bilang bahagi ng pangako ng gobyerno na pabilisin at pasimplehin ang pakikipagtransaksyon.