
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng isang SUV na sangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang counterflowing at hindi otorisadong paggamit ng blinkers.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, may kasamang motorsiklo ang SUV na may logo ng Philippine National Police (PNP) at minamaneho ng hindi pa nakikilalang rider.
Iniimbestigahan ng LTO ang posibleng ilegal na “escort activity” na may kinalaman sa insidente.
Inatasan ang registered owner at driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division at magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa o kasuhan.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang pag-abuso at kayabangan sa kalsada.
Paalala ng LTO, ipinagbabawal ang counterflowing, habang ang paggamit ng blinkers ay para lamang sa mga awtorisadong personnel at emergency vehicles.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa hindi otorisadong escort activities at maling pagpapanggap ng awtoridad sa kalsada.










