Suspendido muna simula sa July 1, 2020 ang pag-iisyu ng student driver’s license ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.
Ito ay para bigyang daan ang paghahanda sa ipatutupad na 15-hour theoretical driving course sa lahat ng mga nagnanais na kumuha ng driver’s license.
Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, magtatagal ng isang buwan ang suspension of issuance of student driver’s license para makapagsanay muna sa pagmamaneho ang mga bagong kukuha ng lisensya.
Simula Agosto, magiging requirement na ang pagkakaroon ng certificate mula sa isang driving school na katunayang sumalang sa 15-hour theoretical driving lesson ang isang aplikante ng lisensya.
Hindi maaaring bigyan ng lisensya ang sinumang aplikante na walang certificate mula sa mga accredited schools ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).