LTO, pinatatawag ang truck operator at driver na sangkot sa “COVID smuggling”

Naglabas na ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa operator at driver ng isang cargo truck na nahuli sa viral video na ilegal na ibinabiyahe ang mga tao papasok ng NCR plus bubble sa harap ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Pinatatawag ng LTO Law Enforcement Service (LES) ang isang nagngangalang Marvin Ramos, ang registered owner ng Isuzu Forward Truck na may plate number CTJ694 at ang truck driver.

Nilagdaan ni LTO LES Acting Director Clarence Guinto ang kautusan.


Nilabag ng dalawa ang Section 7 ng Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil colorum ang kanilang operasyon.

Ang truck ay ilegal na ibiniyahe ang mga pasahero ng colorum vans na dumadaan sa Quezon-Bicol route mula Ragay, Camarines Sur patungong Tagkawayan, Quezon habang binalewala ang health protocols at checkpoint.

Sa video, makikita ang mga pasaherong walang suot na face masks at face shields.

Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na aatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang COVID human smuggling.

Una nang hinikayat ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mga transport enforcers na ihinto ang ilegal na aktibidad na ito.

Facebook Comments