LTO, sinopla ang mga hirit na gamitin ang arawang koleksyon sa paggawa ng lisensya at plaka

Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na hindi ito awtorisado na gamitin ang arawang koleksyon sa paggawa ng driver’s license, plaka ng sasakyan, at sa kabuuang operasyon ng ahensya.

Ayon kay LTO Finance Division Chief Marivic Lopez, agad na nire-remit o ipinadadala ng ahensya ang koleksyon nito sa Bureau of the Treasury.

Dagdag ni Lopez, ang taunang alokasyon ng Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ang pinagkukunan ng badyet ng LTO para sa operasyon at pagbili ng raw materials.


Muli namang nilinaw ng LTO na hindi dahil sa kakulangan ng pondo ang ugat ng paubos nang suplay ng plastic cards para sa lisensya at ang nakaamba ring pagkaubos ng suplay ng plaka kundi ang naaantalang procurement o pagbili ng mga raw material.

Kung tutuusin ay ipinagpapasalamat din ng LTO ang pagtugon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagbibigay ng alokasyon para maihabol ang mga backlog sa plaka.

Facebook Comments