Target ng Land Transportation Office (LTO) na mapalakas pa ang mga transaksyon nito sa pamamagitan ng online kasabay ng pagpapaigting ng mga hakbang laban sa matagal nang problema sa mga tinatawag na “fixer.”
Kaugnay nito, nilinaw ng LTO ang mga ulat na ikinukonsidera ng ahensya na buwagin na ang Land Transportation Management System (LTMS) online portal.
Ayon sa LTO, ang pinag-aaralang mabuwag o mapalakas pa ay ang online na pagsusulit ng mga nagpapa-renew ng lisensya ng pagmamaneho o ang Comprehensive Driver’s Education (CDE) online validation exam pero wala sa plano ng LTO na buwagin ang naturang online system ng ahensya.
Nauna nang inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na nagagamit ng mga “fixer” ang online na CDE exam upang makasingil nang malaki sa mga nais magpa-renew ng driver’s license.
Isang technical working group (TWG) ang binuo noong nakaraang buwan upang tugunan ang problema sa mga fixer, kabilang na rin ang pamemeke ng mga certificate ng driving schools.
Pinag-aaralan na ng grupo ang ibang pamamaraan upang matiyak na ang mismong aplikante sa renewal ng driver’s license ang humaharap sa seminar at pagsusulit at hindi ang fixer.
May pag-aaral na rin ang Management and Information Division (MID) ng LTO para palakasin ang online system nito nang hindi makalulusot ang mga nagbabalak mandaya sa proseso ng pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.