Isinailalim na rin sa Special Concern Lockdown ang Kaingin Bukid sa Barangay Apolonio Samson dahil may pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Ipinagbabawal na pansamantala sa mga residente ang paglabas ng bahay sa loob ng 14 na araw para makontrol ang pagkalat ng virus.
Agad namang ipinatupad sa lugar ang COVID-19 testing para sa mga residente.
Base sa record ng City Health Department (CHD), may 43 confirmed cases ng COVID-19 sa Barangay Apolonio Samson at siyam (9) ang nakarekober.
Kaugnay nito, inalis na rin kahapon ang lockdown sa Alley 2, Howmart Road sa Barangay Baesa.
Habang umiiral pa ang lockdown sa Sitio Militar sa Barangay Bahay Toro at Calle 29 sa Libis.
Kagabi, tumaas pa sa 2,488 ang confirmed COVID-19 cases sa QC, 928 dito ang active cases.
Nadagdagan pa ng 16 na bagong recoveries para sa kabuuang 1,195 at 199 na ang bilang ng mga pumanaw matapos madagdagan pa ng dalawang bagong kaso.