Manila, Philippines – Dumulog sa Korte Suprema ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos para paimbestigahan ang naging outing ng mga head revisors ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at ng revisors ni Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez , inihain nila ang 12 pahinang Manifestation of Grave Concern with Urgent Motion to Investigate dahil na rin sa pagsalo-salo ng mga revisors ni Vice President Leni Robredo at 24 head revisors, Alternate Head Revisors, Appraiser, Ballot Box Custodian/handlers at chief tabulator ng tribunal.
Nakakaalarma aniya ang outing ng mga PET revisors sa 3J’s Resort sa Barangay Pansol, Calamba City Laguna lalo na at dumaan pa ang mga ito sa masusing screenings bago natanggap sa kanilang trabaho.
Malinaw aniya itong paglabag sa batas lalo na at ang mga matataas na opisyal ng PET ay kasama ng mga revisors ni Robredo.
Natuklasan ang Pansol outing noong June 22 matapos i-post ng isang Maria Katrina Rosales sa kaniyang Facebook account.
Pero ilang oras bago ito i-delete ay na-screenshot at kumalat na ang naturang mga larawan sa social media.