Nakapagtala na ang Philippine National Police (PNP) ng 456, 438 na mga lumabag sa minimum public health standard sa buong bansa, ito ay kaugnay pa rin sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Ang bilang na ito ng mga violator ay naitala mula August 6 hanggang August 18, 2021 lamang.
Batay sa monitoring ng PNP Command Center, 81,000 sa mga naitalang violators ay sa National Capital Region (NCR), habang mahigit 273,000 ay sa NCR Plus.
Ang mga paglabag ng mga ito ay hindi pagsusuot ng face mask, face shield at walang social distancing at nagsagawa ng mass gathering.
Samantala, may mahigit 84,000 indibidwal rin ang naitalang lumabag sa ipinatutupad na curfew hours simula August 6 hanggang kahapon August 18 sa buong bansa.
Kaugnay nito, patuloy naman ang panawagan ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na patuloy na sumunod sa ipinatutupad na mga quarantine protocol para maiwasan ang pagkahawa-hawa ng COVID-19.