Manila, Philippines – Lumalala pa ang iringan ngayon ni Akbayan Partrylist Representative Tom Villarin at Labor Undersecretary Jacinto Paras.
Ito ay matapos na hilingin ni Villarin sa liderato ng Kamara na i-ban si Paras sa premises ng kapulungan matapos nitong tangayin ang kanyang cellphone.
Sa privilege speech ni Villarin, iginiit niya na pagbawalang tumuntong sa Kamara si Paras hangga’t hindi pa nagkakaroon ng resolusyon ang QC RTC sa isinampa niyang kasong pagnanakaw laban sa labor undersecretary.
Pero sa interview ng RMN DZXL Manila, sinabi ni Undersecretary Paras na dapat si Villarin ang ipa-ban dahil hindi normal ang mga ginagawa niya.
Ayon kay Paras, handa niyang harapin ang isinampang kaso ni Villarin lalo na at hindi niya sinasadya na nadampot niya ng cellphone ng mambabatas.
Kasabay nito ay tinawag ni Paras na sinungaling si Villarin sa paratang na pinaki-alaman niya ang kanyang cellphone para makakuha ng ebidensya laban kay Senadora Risa Hontiveras.
Tiwala si Paras na babalewalahin lang ng Kamara ang hiling ni Villarin na i-ban sya sa kongreso.