Lumalabag sa batas-trapiko ngayong papalapit ang Pasko, tumaas ayon sa LTO

Dumami ang bilang ng mga motoristang lumalabag sa mga batas trapiko maging sa overloading policy ngayong papalapit na ang holiday season.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Jay Arthur Tugade na sanay na sila sa ganitong mga pangyayari tuwing papalapit ang Pasko.

Marami na kasi aniyang naghahabol o ang tinatawag na Christmas rush, lalo’t nagbukas na ang ekonomiya at mga industriya sa bansa.


Tinanggal na rin aniya ang karamihan sa mga restriction kaya naman marami na ang mga taong lumalabas at hindi na naiiwasang marami ang nagmamadali at lumalabag sa mga batas-trapiko.

Hindi naman masabi ni Tugade kung ilang mga sasakyan ang lumabag sa batas trapiko ngayong panahon.

Aniya, palalakasin din nila ang anti-truck overloading program ng gobyerno sa buong bansa.

Tumaas kasi aniya ang bilang ng mga lumalabag sa overloading policy.

Layunin aniya nito na mapanatiling maayos na lagay ng mga kalsada at maiwasan ang lalo pang pagkasira ng mga ito.

Karamihan din aniya sa mga lumalabag ay oversized na truck kaya malimit ang sabit sa iba pang kasabayang mga sasakyan sa kalsada o kaya ay sumasabit sa mga wiring sa lansangan.

Facebook Comments