Lumalalang kalagayan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea, ikinabahala ng ilang grupo

Nababahala ang grupong Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) hinggil sa lumalalang kalagayan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.

Ito’y kasunod ng mga insidente ng pambobomba ng tubig sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang pag-aangkin ng China sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng ABKD, ang mga agresibong aksyon ng China ay hindi lamang paglabag sa international law kundi pati na rin sa karapatang pantao ng mga mangingisda na umaasa sa karagatan para sa kanilang kabuhayan.

Aniya, maging si National Security Adviser Sec. Eduardo Año ay mariing tinuligsa ang hakbang ng China na magtatag umano ng “nature reserve” sa Bajo de Masinloc kung saan sinabi ni Dr. Goitia na walang karapatan ang mga dayuhan na magbantay sa teritoryo ng Pilipinas.

Nanawagan ang grupo ni Dr. Goitia sa pamahalaan na gumawa ng mas matatag na hakbang upang protektahan ang teritoryo ng bansa at suportahan ang mga mangingisda.

Facebook Comments