Cauayan City, Isabela- Isasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Lungsod ng Cauayan simula sa Mayo 1 hanggang Mayo 15, 2020.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw ang mga bagong guidelines na susundin sa pagpapatupad ng GCQ sa Lungsod.
Gayunman, sinabi ng alkalde na maaari pa rin itong magbago dahil nakadipende pa rin sa estado at bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Lalawigan ng Isabela sa moderate-risk areas.
Kaugnay nito, kahit naka GCQ ang Lungsod ay iistriktuhan pa rin ang pag-iimplimenta ng Quarantine at sa mga ordinansa.
Pinagsanib pwersa na ang PNP Cauayan, Highway Patrol Group, Public Order and Safety Division o POSD, Cauayan City COVID-19 Taskforce Apprehension Team, mga opisyal ng barangay at Tanod upang hulihin ang mga taong lalabag sa number coding, curfew hour, liqour ban, mga nagpapanggap na frontliners, mga gumagawa o nagpi-print ng mga pekeng exemption passes, at hindi pagsusuot ng facemask.
Sa ngayon ay may 17 katao na ang nahuli na lumabag sa number coding ng sasakyan.
Mahigpit din na ipagbabawal ang paglabas ng mga menor de edad at senior citizens, pagsasagawa ng mass gathering at iba pang mga ordinansa na may kaugnayan sa GCQ.
Iginiit ni Mayor Dy na ang mga habitual o paulit-ulit nang nahuhuli na lumabag sa ECQ ay blacklisted na sa anumang relief assistance programs ng lokal na pamahalaan.
Samantala, mayroong anim (6) na suspected cases sa Lungsod, habang walang naitala na probable case at new confirmed case ng COVID-19.