Cauayan City, Isabela- Nasa tatlumput anim (36) na ang naitalang kaso ng COVID-19 ng Lungsod ng Cauayan.
Sa public address ni City Mayor Bernard Dy ngayong araw, kanyang sinabi na ilan sa mga COVID-19 Positive sa Lungsod na asymptomatic o walang sintomas ng COVID-19 ay sumasailalim sa strict home quarantine.
Gayunman, pinaalalahanan nito ang mga naka-home quarantine na sumunod sa protocol, huwag lumabas ng bahay at huwag makihalubilo sa iba hanggat wala pang health clearance mula sa City Health Office.
Mula sa 65 barangay sa Lungsod, umabot na sa 16 barangay ang may kaso ng COVID-19 kung saan nakapagsagawa na ng contact tracing at disinfection ang mga kinauukulan sa mga infected na lugar.
Sinabi pa ng alkalde na kung may dalawa o mahigit na magpopositibo sa COVID-19 sa isang Purok ay isasailalim na sa pitong araw na Calibrated lockdown ang apektadong Purok.
Iginiit ni Mayor Dy na hindi aniya solusyon ang pagsasailalim sa lockdown sa Lungsod ng Cauayan upang mapigilan ang pagkalat ng virus bagkus ay ang mahigpit na pagsasagawa ng contact tracing at agarang pag-isolate sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Hiniling naman nito sa mamamayan na iwasang magbigay ng mga negatibong komento sa mga COVID-19 positive dahil hindi aniya ito nakakatulong sa kanilang paggaling.