Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na ng kauna-unahang kaso ng namatay na may kaugnayan sa COVID-19 ang Lungsod ng Cauayan.
Ito ay matapos bawian ng buhay ang isang COVID-19 positive patient na si CV1805, lalaki, 50 taong gulang at residente ng Barangay Turayong.
Naospital ang pasyente sa Cauayan District Hospital noong September 30, 2020 at kinuhanan ng swab sample noong October 1, 2020 subalit siya ay binawian ng buhay noong October 3, 2020 dahil sa sepsis, multiple organ failure at chronic renal failure.
Lumabas lamang ang resulta ng kanyang swab test kahapon, October 4, 2020 na siya ay positibo sa COVID-19.
Unang nakaranas ng pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga at bi-pedal edema ang nasawi noong September 29, 2020.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng City Health Office ang kaniyang history of exposure at history of travel.
Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang nasabing tanggapan katuwang ang iba pang ahensya para matukoy ang mga nakasalamuha ng pumanaw na pasyente.