Inihayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na wala pa silang natatangap na abiso mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) kung kasama ang kanilang lungsod na mabibigyan ng libreng bakuna kontra COVID-19.
Ito’y matapos na sabihin ng pamahalaan na darating na sa katapusan ang biniling bakuna na gawa sa China na Sinovac.
Ayon kay Olivarez, na siya ring Chairman ng Metro Manila Council (MMC), wala pa siyang natatanggap na instruction mula sa IATF kung anong lungsod ang mabibigyan ng libreng bakuna na kukunin ng pamahalaan.
Bagama’t wala kasiguraduhan, sinabi ni Olivarez na nakapag-advance payment naman na sila para makakuha ng 200,000 doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa AstraZeneca.
Handa na rin ang anim na vaccination facilities ng lokal na pamahalaan ng Parañaque kung saan nasa sampung personnel kada grupo ang aalalay sa mga magboboluntaryong residente para mabigyan ng bakuna.
Una na ring sinabi ng alkalde na suportado ng MMC ang naging desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na huwag isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila hangga’t walang dumarating na bakuna.
Muli naman iginiit ni Olivarez na handa na ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pagdating ng bakuna na kanila na lamang hinihintay.