Inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na walang magiging suspensyon ng klase sa lungsod sa ilalim ng blended o distance learning.
Sa Twitter post ng Alkalde, sinabi nitong hindi isususpindi ang klase sa lahat ng mga public schools dahil hindi naman lalabas ng bahay ang mga mag-aaral.
Bukod dito, hindi rin naman aniya mahigpit ang attendance sa online.
Iginiit din ni Sotto na kahit wala o mabagal ang internet connection ay tuloy ang klase ng mga estudyante dahil preloaded na ang mga aralin sa tablet at may mga worksheets din ang mga ito na pwedeng gawan ng aktibidad.
Dahil dito, hindi kakailanganin ng live internet connection.
Hinikayat din ni Sotto ang mga private schools sa kanilang lungsod na gumawa na rin ng sariling polisiya sa class suspension batay sa kanilang kasalukuyang sistema.