Cauayan City – Kinumpirma ng alkalde ng Lungsod ng Santiago sa pamamagitan ng isang Facebook Post ang pagkakaroon ng unang kaso ng Monkey Pox sa kanilang lugar.
Ayon sa post ni Santiago City Mayor Atty. Sheena Tan, sa kasalukuyan ay naka isolate na ang apektadong indibidwal at nakakatanggap ng angkop na medikal na pangangalaga.
Sumailalim na rin sa monitoring ang mga indibidwal na naging closed contact ng pasyente, at sa ngayon ay hindi pa nagpapakita ng anumang senyales at sintomas ang mga ito kaugnay sa nabanggit na sakit.
Samantala, sinisigurado naman ni Atty. Sheena Tan na ang LGU Santiago at ang Department of Health ay fully equipped, at titiyaking magkakaroon ng isolation facilities, at public health campaigns upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Hinihikayat rin nito ang lahat na maging kalmado, maging updated sa mga impormasyon, at makipagtulungan sa kinauukulan upang mapigilan ang pagkalat ng nabanggit na sakit.