Wednesday, February 11, 2026

LUNTIANG POOK CAPABILITY BUILDING WORKSHOP, ISINAGAWA SA ALAMINOS CITY

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapaunlad ng mga luntiang espasyo, matagumpay na isinagawa ang Luntiang Pook Capability Building Workshop sa lungsod ng Alaminos.

Sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan katuwang ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO), malugod na tinanggap ang mga kinatawan mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at Philippine Association of Landscape Architects (PALA), kasama ang LGU Sultan Dumalondong. Aktibong lumahok sa naturang aktibidad ang mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod.

Pinangunahan ang talakayan hinggil sa konsepto ng Luntiang Pook, kabilang ang mga halimbawa nito at ang mga benepisyong maidudulot sa komunidad tulad ng pagpapabuti ng kapaligiran, kalusugan, at pangkalahatang kalidad ng pamumuhay. Bilang bahagi ng workshop, nagsagawa rin ng interactive na aktibidad kung saan nagtulungan ang mga kalahok sa pagguhit at pagdisenyo ng kanilang “pangarap na hardin” sa mga piling lugar sa lungsod, gamit ang mga kaalamang kanilang natutunan.

Patunay ang aktibidad na ito sa patuloy na dedikasyon ng Lungsod sa pagtataguyod ng balanseng pag-unlad—kung saan kaakibat ng progreso ang pangangalaga sa kalikasan at paglikha ng mas maunlad at mas ligtas na pamayanan para sa lahat. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments