Manila, Philippines – Sa botong 225 na walang pagkontra, madaling napasa sa Kongreso ang isang panukala na makakasiguro sa kaligtasan ng mga nakababata sa bawat pagsakay nila sa mga sasakyan.
Sa ilalim ng child car-seat safety bill, oobligahin ng pamahalaan ang mga magsasakay sa mga batang nasa edad 12-anyos pababa na magkaroon ng naaayon na car-seat o upuan para sa kanila.
Mangyaring maisabatas, pagbabawalan din ang mga batang maupo sa harapan ng sasakyan kung saan mas malapit daw ang mga ito sa peligro.
Sa panayam ng RMN-DZXL 558: ‘Happy Trip’ kasama si Atty. Tony Salvador ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS), pinaliwanag ng abogado ang kasalukuyang lagay ng natirang panukala sa proseso ng pagsasabatas.
“Na-approve siya sa House of Representative, na may 225 to 0 na boto. Sa Senado naman, nagkaroon [na] kami ng hearing 4 weeks ago,” ani ni Salvador.
Dagdag pa nito, “matapos ang hearing ini-refer ang panukala sa Technical Working Group para mas plantsahin pa ang mga minor questions, wala tayong nakitang Senador na may objection, if anything meron silang clarificatory questions hindi para harangin o kwestyunin ang wisdom ng batas kundi para mas mapatibay pa ang batas,” paglalarawan nito.
*‘Minor’ concerns*
Ilan sa mga dapat amyendahan sa nasabing panukala ay ang hindi pag-bilang ng mga batang kailangan ng espesyal na atensyon at iba pang teknikal na bagay.
“May mga bata kasi na hindi suitable na ilagay sa child seat dahil sa pisikal at mental na kalagayan nila. Nakikita na baka ang mga batang ito ay i-exempt dahil baka imbis na makatulong sa kanila ang car seat ay makasama pa sa kanila,” ani ng abogado.
Ang proseso ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-certify ng produktong gagamitin at ang tanong ukol sa affordability ay ilan din sa mga kailangan pang isaayos nang naturang panukala.
“Base sa panukalang batas na naaprubahan sa Kongreso at ngayon ay nakahain sa Senado ng Pilipinas, ang mga batang may edad 12 pababa ay kinakailangan gumamit ng child car seat at hindi din maari na ang edad 12 pababa ay i-upo sa harapan ng sasakyan sapagkat ang pag upo sa harap ng sasakyan para sa mga bata. Mas ligtas padin na umupo sa likod na parte ng sasakyan,” pinaglinaw ng mga host ng naturang programa na sina Atty. Ronald Quintana at Lourdes Escaros.