Manila, Philippines – Lusot na sa House Committee on Basic Education ang substitute bill na nag-i-institutionalize sa Alternative Learning System (ALS) para sa mga out-of-school-youth, persons with disabilities, indigenous people, mga nasa conflict areas at iba pang nabibilang sa marginalized sector.
Layon ng panukala na mabigyan ng patas na oportunidad ang mga kabilang sa nabanggit na sektor para mapaunlad ang kanilang Non-Formal Education (NFE) at Informal Education (InfEd) batay na rin sa pangangailangan ng mga ito.
Taliwas sa nakagawian na traditional classroom, sa ilalim ng ALS nasa estudyante ang pagpili kung saan, anong oras at anong mode ang kanilang pipiliin sa pag-aaral depende kung saan convenient ang isang estudyante.
Ang mga ipapasok na estudyante sa ALS bilang parallel learning system ay tutukuyin naman ng Department of Education.
Mayroon ding Basic Literacy Program sa ilalim ng ALS para sa mga illiterate at Continuing Education: Accreditation and Equivalency Program para naman sa mga elementary dropouts.
Sa ilalim pa ng programa, maaaring gumamit ng iba`t ibang uri ng modules, online o digital, textbooks, self-learning intructional materials at e-modules para sa madaling pagkatuto ng mga estudyante.
Hinihiling din ang pagtatatag ng ALS Community Center sa bawat syudad at munisipalidad gayundin ang koordinasyon ng TESDA at DOLE para sa technical vocational education at training programs para sa mga ALS passers.