Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo’t huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong patatagin ang papel ng National Museum bilang primary keeper ng Filipino heritage.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1529, o National Museum of the Philippines Act, palalakasin ang operation requirements ng museo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng paggamit ng lahat ng derived income nito sa lahat ng sources sa buong bansa, maging sa ibayong-dagat.
Ayon kay Senador Francis Escudero, chairperson ng Committee on Education, Arts and Culture – mabibigyan pa ang National Museum ng flexibility sa paglikha at paggastos ng income nito na nanggagaling sa mga donasyon ng pribadong sektor at ng national government para pondohan ang redevelopment nito.
Ang mga collectible items na nakuha ng National Museum sa pamamagitan ng donasyon ay magiging qualify para sa income at inheritance tax deductions base sa estimated market value, partikular ang mga bagay na itinuturing na may national significance at ikinukunsiderang important cultural properties at national cultural treasures.
Ang panukala ay pinaboran ng 21 senador habang walang tumutol at nag-abstain.