Manila, Philippines – Lusot na sa House Committee on Transportation ang House Bill 1318 na gagawing mandatory ang pagkabit ng automatic headlights sa mga motorsiklo.
Ayon kay Representative Mariano Michael Velarde Jr, author ng panukala, layunin nitong maiwasan ang mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo sa pamamagitan ng pagbubukas ng headlight araw man o gabi.
Aniya, sa ganitong paraan ay madali umanong makikita ang mga motorsiklo at maiiwasan ang banggaan at mapoprotektahan ang mga drivers, pasahero at operators nito.
Nakasaad din sa panukala na dapat siguruhin ng mga manufacturers, assemblers at distributors ang automatic headlights on system, mechanism or device ay naka-install bago ibenta ang mga motorsiklo.
Habang dapat naman na ang mga motorsiklo ay mayroong isa o dalawang headlights at ituturing na labag sa batas kapag wala ito.
Pagmumultahin ng P1,000 hanggang P2,000 sa unang paglabag ang sinumang lalabag na motorista, driver, owner at operator na hindi gagamit ng headlights.
Habang P2,500 hanggang P3,000 para sa ikalawang violation at minimum na P3,500 hangggang P5,000 at pagsuspinde sa lisensya ng driver sa loob ng isa hanggang tatlong buwan.