Manila, Philippines – Walang nakikitang basehan ang National Bureau of Investigation laban sa isinampang reklamo ng businessman na si Wilfredo Keng sa Rappler noong 2017 dahil sa pagkakadawit ng pangalan nito sa isang news item ng Rappler na nai-post online noong 2012.
Lumalabas sa isinagawang evaluation ng NBI na walang basehan ang reklamong libelo lalo’t lumampas na ito sa 1 year prescription period.
Ayon pa kay NBI Cybercrime Division Chief Atty. Manuel Eduarte, ang patuloy na paglalathala ng Rappler ng storya na may kinalaman kay Keng ay hindi maituturing na continuous offense dahil wala namang nababago sa nilalaman ng mga articles na ipinost ng Rappler.
Ang reklamo ni Keng ay nag-ugat sa pagkakalathala ng ilan sa personal niyang impormasyon, matapos madawit sa usapin ng di umano’y pagapahiram ng SUV kay noon ay Chief Justice Renato Corona.
Samantala, nilinaw naman ni Atty. Eduarte na ang imbestigasyon sa criminal liability ng Rappler dahil sa foreign ownership nito ay nagpapatuloy.