Gumagawa na ng paraan ang Local Water Utilities Administration o LWUA upang matugunan ang krisis sa suplay ng tubig bunsod na rin ng paghina ng isinusuplay na tubig sa Angat Dam.
Nakikipag-ugnayan na sa mga water district na kalapit sa Metro Manila ang LWUA upang mag supply ng tubig sa kalakhang Maynila.
Sa pagdinig ng House Oversight Committee on Public Works and Highways at Committee on Natural Resources, sinabi ni LWUA Administrator Jeci Lapuz na may usapan na nagaganap sa pagitan ng kanilang tanggapan at mga water district sa Bulacan, Cavite at Laguna para sa solusyunan ang kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Problema na lamang aniya dito ay kung paano ito dadalhin sa Metro Manila dahil wala namang water tanker ang ibang mga water districts.
Welcome naman ang plano na ito ng LWUA sa Manila Water at Maynilad.
Tiniyak naman ni Engr. Ferdinand Dela Cruz ng Manila Water na hahanap sila ng paraan upang ma-i-transport ang tubig mula sa mga kalapit na lalawigan patungo sa kalakhang Maynila.
Sa ngayon aniya ay lumiit na ang oras ng rotational water interruption mula 23 oras sa kada araw sa 16 na oras kada araw.