Manila, Philippines – Posibleng piso (1 peso) lamang ang papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dagdag sa provisional fare increase sa mga pampasaherong jeepney sa bansa.
Sa kabila ito ng hirit ng grupong Pasang Masda na dalawang pisong dagdag mula otso (8) pesos na kasalukuyang minimum fare.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, kailangang mabalanse ang pangangailangan ng mga operators at mananakay kaya nasa one peso hanggang P1.50 lang ang puwede nilang aprubahan.
Aminado naman si Lizada na hindi nila nakikita ang pag-apruba sa hirit ng mga transport group na one peso increase tuwing rush hour.
Paliwanag ng opisyal, sa ilalim ng jeepney modernization program ng pamahalaan, tataas na ang kita ng mga tsuper dahil magiging matipid ang pagkonsumo ng langis ng mga bagong sasakyan, bukod pa sa mas marami nang maisasakay na pasahero.
Mula sa May 31, muli namang itinakda ng LTFRB ang pagdinig sa June 13.