Nagmungkahi si Senate Minority Leader Franklin Drilon na maaaring pagkunan ng pondo para sa isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go na pagdaragdag ng bed capacity ng 13 provincial hospitals para higit na maserbisyuhan ang mga tinatamaan ng COVID-19.
Sabi ni Drilon, maaaring gamitin dito ang mga hindi nagamit na pondo tulad ng ₱29.3 billion na Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) at ang ₱152.9 billion na Pension and Gratuity Fund (PGF).
Binanggit pa ni Drilon na noong nakaraang taon ay umaabot sa ₱18 billion ang savings ng MPBF habang ₱17.45 billion naman sa PGF.
Sa kanyang pakikipag-debate sa panukalang isinusulong ni Senator Go ay may mga nag-isip na kaniya itong hinaharang.
Pero giit ni Drilon, nais lang niyang matiyak na may pondo para sa panukalang dagdag hospital beds kung ito ay maisabatas para hindi umasa sa wala ang mamamayan.
Sa katunayan, ayon kay Drilon, kahit sa mga simpleng panukala tulad ng conversion ng isang maliit na paaralan, siya ay nagtatanong nang mabuti dahil gagamitan ito ng pera ng taumbayan.