Inaasahan na sa loob ng dalawang linggo ay maisasaayos na ang problema sa pagbaha sa ‘link bridge’ sa Departures Area ng kabubukas pa lamang na Mactan-Cebu International Airport (MCIA) Terminal 2.
Sa abiso ng Department of Transportation, nagpatupad na ng ‘Corrective Work’ ang operator ng Paliparan na GMR-Megawide Consortium para na rin sa maginhawang pagbiyahe ng mga pasahero.
Maiuugnay ang insidente sa pagkakamali umano ng Contractor sa ‘Rework Installation’ sa gutter system ng link bridge.
Dahil dito, nagkaroon ng ‘Overflow’ sa kasagsagan nang malakas na pag-ulan sa Cebu noong nakaraang linggo kaya’t binaha ang tulay ng resort airport na konektado sa drop off zone ng mga pasahero.
Ayon sa GMR-Megawide, hindi na umano mararanasan ang abalang ito sa oras na makumpleto ang gutter installation sapagkat maikokonekta na ito ng maayos sa rainwater drainage system.
Maliban dito, ikinokonsidera pa ng airport management ang paglalagay ng side grill o roll down plastic upang makatulong na hindi na pasukin ng tubig ang link bridge sa tuwing may kalakasan ang pag-ulan.
Una rito, naglabas ng statement ang pamunuan ng MCIA at humingi ng paumanhin sa mga pasaherong naapektuhan ng problema.