Iminungkahi ni Senator Sonny Angara sa Commissioon on Elections (COMELEC) na magsagawa ng mas maagang araw ng botohan para sa halos sampung milyong mga senior citizen at mga Persons with Disabilities (PWD).
Layunin ng suhestyon ni Angara na maproteksyunan ang kalusugan ng mga senior citizen at may kapansanin dahil inaasahan na may COVID-19 pa rin pagsapit ng 2022 elections.
Diin ni Angara, bukod sa delikado sa kalasugan dahil sa pandemya ay magiging napakahirap para sa mga senior citizen at PWDs ang pumila habang mainit at makipagsiksikan sa mga tao para makaboto.
Kaugnay nito ay maghahain si Angara ng panukalang batas para sa early voting ng senior citizens at PWDs na makakatulong din para mapabilis ang pila sa mga polling precinct.
Hiniling din ni Angara sa COMELEC na maghanap ng mas accessible na polling precinct katulad ng gymnasiums at covered courts na hindi katulad sa ilang palapag na mga paaralan kung saan dagdag pahirap sa mga senior citizens at PWDs ang pag-akyat sa hagdan.