Pinapaimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang maanomalyang paggasta ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula 2009 hanggang 2020.
Giit ni Hontiveros, dapat siguraduhing hindi ito sinisingil o ipinapasa sa mga konsyumer dahil wala itong kinalaman sa transmission ng kuryente.
Sa pagdinig ng Senado tungkol sa rotational blackout, ay ibinunyag ni Hontiveros na gumastos ang NGCP ng mahigit P1.4 billion sa representation & entertainment, mahigit P1 billion sa advertising, P1.2 billion sa Public Relation (PR), at P646 milyon sa professional fees.
Ayon kay Hontiveros, batay ito sa inihaing Annual Audited Financial Statements ng NGCP sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Paliwanag pa ni Hontiveros, kung kukwentahin sa piso bawat kilowatt hour, ang P4.4B na expenses ng NGCP ay katumbas ng 441.77 milyon kWh base sa rate ng system ng Meralco na P9.96 / kWh.
Sabi ni Hontiveros, kung hahatiin ang halagang ito sa mga komukonsumo ng 200 kWh kada buwan pababa, ay lalabas na isang buwang kuryente na ito para sa mahigit 2.2 milyong households.