Maanomalyang paglalabas ng pondo sa Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education sa ilalim ng CHED, pinaiimbestigahan sa Senado

Ipinasisilip sa Senado ang maanomalyang paglalabas ng pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para sa mga programa ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na aabot sa halos ₱7 billion ang halaga ng mga kwestyunableng alokasyon sa ilalim ng nasabing attached agency.

Dahil dito, inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 128 na layong ipasiyasat sa Senado ang implementasyon ng mga programa at proyekto ng UniFAST.


Tinukoy ni Hontiveros sa resolusyon ang ilang mga kwestyunableng bayarin tulad ng mga overpayments sa tuition at school fees na aabot sa ₱131 million, ₱251 million reimbursements sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na sinagot na pala ng nakakasakop na LGUs, ₱3.4 billion na halaga ng delayed at hindi naisumiteng mga dokumento para sa Free Higher Education Program at ₱824 million bayad para sa mga SUCs at Local Universities and Colleges (LUCs) na walang official receipts.

Dagdag pa sa kwestyunableng release ng pondo ang bilyun-bilyong pisong student loan program, financial benefits, scholarship grants at hindi nagamit na alokasyon para sa subsidy sa tertiary education.

Dismayado ang senadora dahil ang UniFAST sana ang inaasahang tutugon sa agwat ng edukasyon para sa milyun-milyong mahihirap na kabataan ngunit ang programa ay nababalutan naman ng mga katiwalian.

Facebook Comments