Pinasisilip na rin ng Makabayan bloc sa Kamara ang umano’y maanomalyang transaksyon sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakasaad sa 2020 Commission on Audit (COA) report.
Sa House Resolution 2146 na inihain ng Makabayan sa Kamara ay inaatasan ang House Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts na magsagawa ng “joint investigation in aid of legislation” kaugnay sa iregularidad sa distribusyon ng DSWD sa SAP na naunang ibinulgar ni Senator Manny Pacquiao.
Nakasaad sa resolusyon na sa P14 billion na kabuuang pondo para sa SAP ay nawawala ang P10.4 billion dito.
Sa 1.8 million na SAP beneficiaries, aabot lamang sa 500,000 na benepisyaryo ang nakatanggap ng ayuda gamit ang e-wallet application na Starpay.
Batay pa sa 2020 COA report, aabot lamang sa 0.01% hanggang 11.48% ang pondong na-i-transfer para sa cash aid ng DSWD sa ibang financial service providers tulad ng G-Xchange, Inc., PayMaya Philippines, Inc., Rizal Commercial Banking Corporation, Robinsons Bank Corporation at Union Bank of the Philippines.
Natuklasan din sa report na mayroong 135 SAP beneficiaries ang hindi na nakatanggap ng second tranche ng SAP na aabot sa P920,000 pero tagged sa database na “paid” na ang mga ito.
Umaasa ang mga kongresista ng Makabayan na mapapanagot sa gagawing imbestigasyon ng Kamara ang mga nasa likod ng anomalya sa SAP.